Sa nakaraang ilang lingo, dalawang lindol na may Magnitude 6.8 at 7.4 ang tumama sa Mindanao. Ang malakas na pagyanig ay nagdulot ng pagkasira sa mga istruktura, liquefaction, landslides, pagbabago ng antas ng tubig sa dagat at tsunami. Pinag-aralan ng mga dalubhasa ang pangyayari at nagbigay ng payo kung paano maging ligtas.
By Jeffrey S. Perez (jeffrey.perez@phivolcs.dost.gov.ph), Department of Science and Technology, Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) and Ma. Mylene Martinez-Villegas, Department of Science and Technology, Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS)
Citation: Perez, J. S. and Martinez-Villegas, M. M., 2023, Two offshore earthquakes in the Philippines: What do coastal communities need to know?, Temblor, http://doi.org/10.32858/temblor.329
Ang artikulong ito ay makukuha rin sa Ingles.
Isinalin sa Filipino ni Jeffrey S. Perez
Sa loob ng 15 araw, dalawang malakas na lindol ang naganap sa karagatan ng Pilipinas sa isla ng Mindanao. Ang unang lindol ay nangyari noong Nobyembre 17, 2023, 4:14 ng hapon, Philippine Standard Time (PST) na may lakas na magnitude 6.8. Ang epicenter o pinagmulan ng lindol ay nasa karagatang malapit sa isla ng Sarangani, sa lalawigan ng Davao Occidental at may lalim na 63 kilometro (39 milya).
Ang pangalawang lindol, na mas malakas, ay may magnitude na 7.4 at yumanig sa isla ng Mindanao at naramdaman hanggang sa Visayas region noong Disyembre 02, 10:37 ng gabi. Ang hypocenter nito ay sa karagatang malapit sa munisipyo ng Hinatuan, Surigao del Sur at may lalim na 25 kilometro. Nagkaroon ng tsunami alerts sa Pilipinas at timugang Japan. Ang dalawang lindol ay pinakamalakas na naramdaman ng PHIVOLCS Earthquake Intensity Scale (PEIS) VIII (Mapaminsala). Ang malakas na pagyanig ay nagdulot ng pagkasira sa mga istruktura, liquefaction, at landslides, sea-level disturbance, at tsunamis. Ang mga social media post at balitang galing sa media ay naglarawan at nagpakita ng kabuuang pangyayari habang lumilindol at pagkatapos nito.
Anong nangyari pagkatapos ng malakas na pagyanig?
Ilang minuto matapos ang Nobyembre 17 na lindol, ang Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) ay naglabas ng tsunami advisory, na nagsasaad na walang inaasahang mapaminsalang tsunami, subalit ang mga pamayanan na nasa baybayin ay pinaalalahanan na maaring magkaroon ng pagbabago sa antas ng tubig sa dagat. Para sa Disyembre 2 na lindol, ang DOST-PHIVOLCS ay naglabas ng tsunami warning at ipinagbigay-alam sa mga pamayanan na nasa baybayin ng probisya ng Surigao del Sur at Davao Oriental ang dagliaang paglikas sa mataas na lugar o pumunta papalayo sa dagat.
Ang nangyaring tsunami ay hindi mapaminsala. Subalit, ipinakita sa social media posts na ang mga tao na lumapit sa baybayin matapos ang pagyanig, kinuhanan ng video ang pag-atras ng tubig dagat at pagbalik nito sa dalampasigan, ito ay pagsuway sa advisory na inilabas ng DOST-PHIVOLCS. Ang ganitong action ay hindi pinapahintulutan lalo na kung ikaw ay nasa malapit sa dalampasigan.
Ang agham ng tsunami
Isang salitang Hapon ang “tsunami” na ang kahulugan ay “alon sa pantalan”. Ito ay karaniwang nagaganap kung ang episentro ng lindol ay nasa ilalim ng dagat, mababaw ang pinanggalingan (mababa sa 30 kilometro) at may magnitude na higit sa 6.5. Maaring magkaroon din ng tsunami kung may landslides at pagputok ng bulkan sa ilalim ng dagat (submarine landslides and volcanic eruptions) at pagbagsak ng meteor sa dagat.
Ang tsunami ay lubhang mapaminsala kung ihahambing sa malalaking daluyong ng dagat dulot ng malakas na hangin (storm surges) at tidal waves. Halimbawa, noong 2011, isang mapaminsalang tsunami ang naganap matapos ang magnitude 9 na lindol sa Tohoku, sa hilagang Japan. Umabot ng 39 metro ang taas ng tsunami, binaha ang halos 10 kilometrong lupain mula sa baybayin at mahigit 20,000 katao ang namatay.
Pagbabalik-tanaw sa mga nakaraang tsunami sa Pilipinas
Ang lahat ng baybayin ng Pilipinas ay maaaring maapektuhan ng tsunami dahil sa mga nakapaligid na mga trenches at offshore active faults. Sa nakaraang 450 na taon, mahigit 40 lindol na may tsunami ang nangyari na sa bansa (Bautista et al., 2012). Isa na rito ang magnitude 8.1 Moro Gulf earthquake and tsunami na kumitil ng mahigit 6,000 buhay at itinuturing na pinakanakamamatay na lindol sa kasaysayan. Sa timog-silangang Mindanao, naganap ang 1992 Manay, Davao Oriental earthquake and tsunami na kung saan nagkaroon ng dalawang lindol na may magnitude ng higit sa 7 sa loob ng 26 na minuto. Ang mga malalakas na lindol ay nagdulot ng mapaminsalang tsunami sa mga baybayin ng probinsya ng Davao Oriental sa munisipyo ng Manay, Cateel, Baganga, Boston, Caraga at Tarragona (Besana et al., 2004).
Noong Marso 2023, ang DOST-PHIVOLCS kasama ang University of the Philippines Visayas (UPV) and Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU) ay naglunsad ng Project DANAS: Earthquake, Tsunami, and Volcano Disaster Narratives for an Experiential Knowledge-based Science Communication. Layunin nitong gamitin ang mga kuwento at karanasan ng mga nakaligtas sa mga nakaraang delubyo sa pamamagitan ng pakikipanayam sa kanilang sariling wika. Ang proyektong ito ay nakakuha ng pondo mula sa DOST-Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development (PCIEERD).
Sa huling fieldwork, sa ilalim ng Project DANAS, aming nakapanayam ang mga saksi at nakaligtas sa tsunami sa Moro Gulf noong 1976. Batay sa kanilang pahayag, ang tsunami ay umabot ng halos 15 metro o katumbas ng 5-palapag na gusali, nagkaroon ng dalawa hanggang tatlong mapaminsalang alon at umabot ang tsunami hanggang 700 metro mula sa dalampasigan. Dagdag pa nito, isang malaking libingan ng mga biktima ng tsunami ang nakita sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao. Kapansin-pansin na ang pinagmulan ng Nob. 17, 2023 na lindol at ng 1976 na lindol at tsunami sa Moro Gulf ay pareho, ang Cotabato Trench.
Ayon sa mga salaysay ng mga nakaligtas sa tsunami noong 1992 sa Manay, ang tsunami ay umabot ng halos 6 na metro (katumbas ng dalawang palapag na gusali) at nasira lahat ng kabahayan sa Sitio Bonga, Manay. Ang pinagmulan ng lindol ay ang Philippine Trench pareho ng sa Dis. 2, 2023 na lindol sa Surigao del Sur.
Mga likas na palatandaan ng isang papalapit na tsunami: “Shake, Drop and Roar”
Ang mga tsunami sa Pilipinas ay maaring uriing far-field at near-field. Ang mga far-field tsunamis ay nagmumula sa karagatang Pasipiko at maaring makarating sa silangang bahagi ng Pilipinas sa loob ng isa hanggang 24 na oras. Mayroong sapat na panahon ang mga pamayanan sa dalampasigan upang lumikas. Ang DOST-PHIVOLCS kasama ang Office of Civil Defense (OCD) ay maglalabas ng kaukulang tsunami alert information and warnings.
Samantala, ang near-field tsunamis ay mapanganib at ito ay magmumula sa nga trenches at offshore active faults na nakapaligid sa Pilipinas. Malapit ang pinagmulan nito, kaya ang pagdating ng tsunami ay maaring ilang minuto o bago mag isang oras matapos ang pagyanig. Kaya naman hinihikayat ng DOST-PHIVOLCS ang lahat, lalo na ang mga komunidad sa baybayin na kilalanin ang mga natural ng palatandaan ng papalapit na tsunami. Ang unang palatandaan ay SHAKE — isang malakas na lindol. Sunod ay DROP — kakaibang pagbabago sa antas ng tubig dagat, biglang pagbaba o pagtaas. At ang huli ay ROAR — dagundong na likha ng papalapit na mga alon.
Para sa kaligtasan, ang mga taong nasa baybayin na makakakita o makakaramdam ng mga likas na palatandaan ng isang paparating na tsunami ay agad lumikas, pumunta sa mataas na lugar o lumayo sa dalampasigan. Mahalagang unahin ang kaligtasan. Iwasan ang pagkuha ng litrato at videos pagkatapos ng pagyanig at habang umuurong ang tubig dagat.
Paghahanda ng pamayanan sa tsunami
Tamang kamalayan at kaalaman ang susi sa paghahanda sa tsunami. Ang mg tsunami hazard maps at ibang information materials ay makukuha ng libre sa opisyal na website ng DOST-PHIVOLCS at ng hazardhunter.georisk.gov.ph.
Karagdagan dito ang Project DANAS, na gumagamit ng aktuwal na kuwento ng mga taong nakaranas ng delubyo gamit ang kanilang lokal na wika. Maaring gamitin ang resulta ng Project DANAS upang paalalahanan ang mga komunidad na nasa panganib upang sila ay maghanda.
Halimbawa, ang mga pamayanan sa baybayin ay hinihikayat na magsagawa ng tsunami drills at paglalagay ng mga signages na nagpapakita ng mga lugar ma maaring tamaan ng tsunami, evacuation routes and areas at safe zones. Karagdagan din ang pag-aalaga at pagtatanim ng mga bakawan (mangroves) na maaring magpahina sa epekto ng tsunami. Ang mga natutunan mula sa mga nakaraang mga lindol at tsunami at pagbibigay ng tamang kaalaman ay makakatulong upang ihanda ang mga komunidad na maging ligtas at matatag sa harap ng mga nagbabantang panganib.
Si G. Jeffrey S. Perez ay isang Supervising Science Research Specialist at geologist ng DOST-PHIVOLCS. Siya ay nagsasaliksik patungkol sa lindol lalo na sa Mindanao. Si Dr. Ma. Mylene Martinez-Villegas y kasalukuyag Deputy-Director ng DOST-PHIVOLCS, isang geologist at nagkaroon ng pag-aaral ukol sa pang-unawa at pamayanang paghahanda sa lindol, tsunami at pagputok ng bulkan.
Editor sa Agham: Dr. Alka Tripathy-Lang, Ph.D.
Reviewer: Dr. Wendy Bohon, Ph.D.
Mga sanggunian
Bautista, M.L.P., Bautista, B.C., Salcedo, J.C. and Narag, I.C., 2012. Philippine tsunamis and seiches, 1589-2012. Department of Science and Technology, Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Besana, G.M., Tanioka, Y., Ando, M., Mirabueno, M.H., Manahan, J., De Ocampo, J. Perez, J. and Bautista, B., 2004. The May 17, 1992 earthquakes in southeastern Philippines. Geophysical Research Letters, 31 (24). https://doi.org/10.1029/2004gl020917
Copyright
Text © 2023 Temblor. CC BY-NC-ND 4.0
We publish our work — articles and maps made by Temblor — under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivatives 4.0 International (CC BY-NC-ND 4.0) license.
For more information, please see our Republishing Guidelines or reach out to news@temblor.net with any questions.
- Why do the largest continental earthquakes nucleate on branch faults? - September 24, 2024
- Two strong earthquakes separated by 17 years strike the same fault - September 12, 2024
- Earthquake model successfully forecasts location of August 3 magnitude 6.8 event - August 27, 2024