Ang Magnitude-7.3 na lindol na tumama sa baybayin ng Mindanao, Pilipinas, ngayong linggo ay maaaring magdulot ng matinding pinsala kung ang lindol ay mababaw at nasa baybayin.
Isinulat nina Mario Aurelio, Director of the University of the Philippines National Institute of Geological Sciences, Mahar Lagmay, Executive Director, University of the Philippines Resilience Institute-Nationwide Operational Assessment of Hazards Center (@nababaha), John Agustin Escudero, Structural Geology and Tectonics Laboratory at the University of Philippines National Institute of Geological Sciences, Sandra Catugas, Structural Geology and Tectonics Laboratory at the University of Philippines National Institute of Geological Sciences
Isinalin sa Tagalog ni Thea Garcia
Pagsipi: Aurelio, M., Lagmay, M., Escudero, J. A., and Catugas, S., 2021, Another large earthquake strikes the southern Philippines, Temblor, http://doi.org/10.32858/temblor.196
This article is also available in English.
Isang magnitude-7.3 na lindol ang yumanig sa baybayin ng Davao Oriental sa Mindanao, katimugang bahagi ng Pilipinas, 1:46 ng umaga ng lokal na oras noong Agosto 12 (17:46 UTC Agosto 11), ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS ). Ang sentro ng lindol ay halos 170 kilometro and layo sa timog-silangan ng Lungsod ng Davao, ang pangatlong pinakamalaking lungsod ng Pilipinas. Ang pagyanig na ito ay tatlumpung beses ang lakas kumpara sa enerhiya ng M6.6 na lindol na tumama sa hilagang isla ng Luzon noong Hulyo 24 (Aurelio et al., 2021). Kung ang pinagmulan ng lindol noong Agosto 12 ay naging mababaw at naganap sa kalupaan at hindi sa ilalim ng dagat, maaari itong nagdulot ng matinding pinsala sa buhay at pag-aari. Sa kabutihang palad, ang pinsala ay kakaramput at walang kaakibat na pagkamatay.
Komplikadong banggaan, pagbabagsak at strike-slip tectonics
Nagtatampok ang Pilipinas ng isang napaka-kumplikadong tectonic setting na kung saan may anim na aktibong subduction zone na pumapalibot sa Philippine Mobile Belt (Aurelio, 2000). Ang West-dipping Philippine Trench ay isa sa mga subduction zones na kung saan nagmula ang lindol na yumanig sa Davao; ang pag-galaw ng Philippine Sea Plate sa ilalim ng Philippine Trench sa may parte ng Mindanao ang sanhi ng malakas na lindol.
Ang iba pang mga subduction zones ay binubuo ng apat na mga east-dipping systems. Kasama dito ang Manila Trench, Negros Trench, Sulu Trench at Cotabato Trench. Sa silangan bahagi naman matatagpuan din ang western-dipping na East Luzon Trough (Larawan 1). Ang mga trenches, kasama ang maraming mga aktibong faults sa loob ng Philippine Mobile Belt, ay tumutulong sa pagsalo ng pressure dulot ng palihis na pagbabanggaan ng Philippine Sea Plate at ng silangang bahagi ng Eurasian Plate. Ang bilis ng galaw ng mga naturing na tectonic plates ay nag-iiba ang sukat mula sa 3.6 sentimetro kada taon sa Taiwan hanggang sa 8.2 sentimetro kada taon sa bandang gitna at timog na bahagi ng Pilipinas (hal. Seno, 1977). Ang subduction sa kahabaan ng Philippine Trench naman ay may bilis na paggalaw na 3.0 sentimetro kada taon (e.g., Rangin et al., 1999).
Sa katimugan bahagi ng Pilipinas pa lamang ay matatagpuan na ang limang subduction zones at active strike-slip faults (Aurelio, 2000). Ang tatlo sa mga subduction zones na ito ay may hugis sa ilalim ng dagat na ang tawag ay oceanic trenches. Mula kanluran papunta sa silangan, nanduon ang Sulu Trench, Cotabato Trench at Philippine Trench (Larawan 2). Duon sa timog na bahagi ng Philippine Trench naganap ang malakas na lindol.
Ang dalawa pang subduction zones sa timog na bahagi ng Pilipinas ay binubuo lamang ng isang oceanic plate, ang Mollucas Sea Plate. Ang Mollucas Sea Plate ay parehong may dahilig sa magkabilang direksyon papunta sa silangan at kanluran dahil sa pagbagsak nito papaloob ng mundo. Sa gawing kanluran, ang subducted na plate ay umabot ng higit sa 600 kilometro papunta sa mantle. Ang silangang bahagi naman ay sumisid nang mas mababaw sa lalim na 200 na kilometro. Kahit na ang asymmetrically folded plate na ito ay may dalawang subduction zone, ang axis ng fold nito ay namamalagi sa ilalim halos 150 kilometro sa ibaba ng sahig ng dagat. Dahil dito walang trenches na makikita na nabubuo. Sa halip, ang kakaibang hugis na ito ay nag-uudyok ng mabilis na banggaan sa pagitan ng Sangihe at Halmahera Arcs ng hilagang Indonesia (hal., Roeder, 1977; Hall, 2002). Ayon din sa datos mula sa GPS, ang Sangihe at Halmahera Arcs ay papalapit sa isa’t-isa sa bilis na halos 8.0 sentimetro kada taon (Aurelio et al., 1998; Rangin et al., 1999).
Sa pagitan ng Cotabato Trench at Philippine Trench ay mga pangunahing aktibong strike-slip faults, kasama dito ang Philippine Fault na kilalang tagalikha ng mga mapanirang lindol tulad ng magnitude 7.8 Luzon Earthquake noong Hulyo 16, 1990 (Sasaki at Okahara, 1991; Velasco et al. , 1996), at ang Cotabato Fault system, na dahilan ng mapanirang sunod-sunod na pag-lindol noong 2019. Apat sa mga lindol na ito ay bahagyang hihigit sa magnitude 6 na naganap sa loob ng 2 linggo lamang. (Aurelio, 2019; Zhao et al., 2021).
Bagama’t kumplikado ang tectonic setting sa rehiyon na ito, ang lindol na yumanig sa Davao ay maaring iugnay sa subduction ng Philippine Trench. Ang mga obserbatoryo na nagtatala ng mga lindol, kasama ang PHIVOLCS, USGS-NEIC, GEOFON, at GEOSCOPE, ay nagtukoy ng lalim ng lindol mula apatnapu’t-apat hanggang animnapu’t-siyam na kilometro. Ang focal mechanism solution naman (ang diagram ng beachball) ay nagpapakita ng isang moderately-dipping thrust fault pair. Kasama ang ebidensiya ng lokasyon ng pinangmulan ng pagyanig at lalim ng lindol na mababaw kaysa sa 150 kilometro, ay puwedeng masabi na ang dahilan ng pagyanig ay dulot ng pag-galaw ng Philippine Trench sa bahaging ito ng mundo. (Larawan 2).
Ano ang magagawa ng isang 7.3 magnitude na lindol?
Mapalad ang mga taga-Mindanao dahil malalim ang lindol at hindi ito nangyari sa lupa. Kung ang lindol ay mas mababaw o nangyari sa kalupaan, ang pinsala marahil sa imprastraktura at mga namatay ay magiging mataas. Ang lakas ng lindol na ito ay kasing lakas ng lindol na magnitude 7.2 na lindol na tumupok sa Isla ng Bohol noong Oktubre 15, 2013 (Aurelio, 2013; Lagmay at Eco, 2014; Rimando et al., 2019 – tingnan ang Larawan 1 para sa lokasyon ng epicenter). Naging sanhi ito ng pagkamatay sa higit sa 200 katao, pag-likas ng daan-daang libong mga residente, at pinsala sa imprastraktura na may halagang 2 bilyong piso (NDRRMC, 2013). Bukod sa libu-libong gumuho na mga tahanan, gusali at komersyal na mga establisimiyento, mayroon din pag-sira sa mga kalsada, tulay at daungan dahil sa pag-bitak ng lupa, pag-guho ng bundok, liquefaction at pag-butas ng mga lupain (sinkholes). Kahit ang tanyag na Chocolate Hills ay hindi nakaligtas sa epekto ng lindol. Maraming daang-taon na mga simbahan na tinaguriang UNESCO world-heritage sites ay nagiba. Ilan sa mga simbahan na ito ay nagmistulang pulbos sanhi ng malakas na pagyanig ng kalupaan (Larawan 3).
Ang Magnitude 7.2 ay ang tinatayang lakas ng lindol na maaaring mangyari dahil sa paggalaw ng West Valley Fault (MMEIRS, 2004; Nelson et al., 2000). Ang fault na ito ay tumatawid sa silangang bahagi ng Metropolitan Manila, ang kabiserang lungsod at sentro ng gobyerno at ekonomiya ng Pilipinas. Ayon sa pag-aaral noong 2004, ang lakas ng lindol na maaring tumama sa Metro Manila ay may taglay na lakas na puwedeng magdulot ng pagkamatay sa humigit-kumulang na 33,000 na katao, pag-sira sa imprastraktura at malawakang pagdudusa (MMEIRS, 2004).
Citizen science, Kahandaan at Edukasyon tungkol sa lindol
Ang naganap na 7.3 magnitude na lindol sa Davao ay nasukat din ng privately owned low-cost seismometers hindi lamang sa iba’t-ibang lugar ng Pilipinas, kundi pati na rin ng mga instrumento na naka-puwesto sa Malaysia, Australia, Solomon Islands at Marianas Islands (Larawan 4). Ang mga tala ng mga citizen scientists sa naganap na lindol sa Mindanao ay tumutugma sa sukat ng Philippine Seismic Network na pinamamahalaan ng PHIVOLCS, isang ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas. Ang mga low cost-seismometers na ito na gawa ng Raspberry Shake ay subok na sa laboratoryo at ginagamit na ng mga experto sa kanilang mga pag-aaral (Manconi et al., 2018; Winter et al., 2021; Holmgren, 2021).
Ang lumalaking bilang ng mga pribadong pag-aari ng seismometers sa Pilipinas ay bahagi ng isang pandaigdigang network ng pang-publiko na low-cost ngunit propesyonal na klase ng instrumento. Nilalagay at ginagamit ito sa buong mundo ng mga masigasig mag-aral ng lindol at ng mga pribadong grupo. Ang mga naitatala ng citizen-maintained seismometers ay puwedeng makita sa mobile phones ng real time. Ito ay nag-aambag din sa dami ng mga katulad na seismometers na nalagay ng gobyerno. Ang ganitong pagkukusa ay akma sa mga pagsisikap at layunin ng mga siyentipiko sa buong mundo upang maintindihan ang mga bagay-bagay patungkol sa pag-galaw at pag-yanig ng lupa. Kasama sa mga sinisikap na pag-aralan gamit ang seismometers ay ang pagguho ng lupa at pag-putok ng bulkan.
Ang National Institute of Geological Science at ang College of Science ng Unibersidad ng Pilipinas ay nagsimula na ng isang programa upang palawakin ang mga ginagawa ng mga citizen scientists. Ang ganitong klase na pagsisikap ay tugma sa gabay na prinsipyo ng Sendai Framework for Disaster Risk Reduction na kung sinusulong ang whole-of-society at science-based approaches sa katatagan laban sa panganib ng kalikasan. Kasama sa programa ang pagsusulong ng edukasyon at pagsasaliksik patungkol sa lindol upang mapalalim ang pag-unawa sa pag-galaw ng lupa sa Pilipinas kasama ang mga karatig na lugar at madagdagan ang kamalayan laban sa sakuna.
Ang malakas na lindol na ito sa Pilipinas, tulad ng malakas na pagyanig noong Hulyo 24 sa Batangas at mga iba pa bago nito, ay nagsisilbing paalala sa lahat at hindi lang sa gobyerno, na kailangan maghanda laban sa patuloy na banta ng panganib dulot ng kalikasan.
Mga Sanggunian
Anthony, R.E., Ringler, A., Wilson D.C., and Wolin, E. (2019). Do Low-Cost Seismographs Perform Well Enough for Your Network? An Overview of Laboratory Tests and Field Observations of the OSOP Raspberry Shake 4D. Seismological Research Letters. 90 (1): 219-228.
Aurelio, M.A. (2000). Tectonics of the Philippines revisited. Journal of the Geological Society of the Philippines. 55, 3/4, 119-183.
Aurelio, M.A., (2013). Magnitude 7.2 Bohol quake: an unknown fault strikes again. https://opinion.inquirer.net/64133/magnitude-7-2-bohol-quake
Aurelio, M.A., (2019). What’s baffling about recent Mindanao earthquakes. https://newsinfo.inquirer.net/1187971/whats-baffling-about-recent-mindanao-quakes
Aurelio, M.A., Peña, R.E., and Taguibao, K.J.L. (2013). Sculpting the Philippine archipelago since the Cretaceous through rifting, oceanic spreading, subduction, obduction, collision and strike-slip faulting: Contribution to IGMA5000. Journal of Asian Earth Sciences, 7, 102-107 http://dx.doi.org/10.1016/j.jseaes.2012.10.007
Aurelio, M.A., Simons, W.F. Almeda, R.L. and the Philippine GPS Team. (1998). Present-day plate motions in the Philippines: Interpretation of GPS results of GEODYSSEA. In: The GEODYnamics of S and SE Asia (GEODYSSEA) Project. Eds. Wilson, P. and Michel, G. Scientific Technical Report STR98/14 Potsdam, Germany, December 1998. pp. 251-263.
Aurelio, M., Lagmay, M., Escudero, J. A., and Catugas, S. (2021). Latest Philippine earthquake reveals tectonic complexity, Temblor, doi.org/10.32858/temblor.191
GEOFON German Research Center for Geosciences. Available at: www.geofon.gfz-potsdam.de
GEOSCOPE Network – Reseau Gobal de Stations Sismologiques Large Bande. Available at: http://geoscope.ipgp.fr/index.php/fr/
Hall, R. (2002). Cenozoic geological and plate tectonic evolution of SE Asia and the SW Pacific: computer-based reconstructions, model and animations. J. Asian Earth Sci. 20 (4), 353–431.
Holmgren, J.M and Werner, M. (2021). Raspberry Shake Instruments Provide Initial Ground‐Motion Assessment of the Induced Seismicity at the United Downs Deep Geothermal Power Project in Cornwall, United Kingdom. The Seismic Record 1 (1): 27–34.
Lagmay, A.M.F. and Eco, R.N. (2014). Brief communication: On the source characteristics and impacts of the magnitude 7.2 Bohol earthquake, Philippines. Natural Hazards and Earth Systems Sciences 14 (10), 2795-2801.
Manconi, A., Coviello, V. and Galletti, M. (2018). Short Communication: Monitoring Rockfall with the Raspberry Shake. Earth Surface Dynamics 6(4): 1219-1227.
MMEIRS (2004). Earthquake Impact Reduction Study for Metropolitan Manila, Republic of the Philippines. A joint study by: Japan International Cooperation Agency (JICA), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Final Report.
National Disaster Risk Reduction Management Council – NDRRMC (2013). SitRep No.35 re Effects of Magnitude 7.2 Sagbayan, Bohol Earthquake
Nelson, A. R., S. F. Personius, R. E. Rimando, R. S. Punongbayan, N. Tungol, H. Mirabueno, and A. Rasdas (2000). Multiple large earthquakes in the past 1500 years on a fault in metropolitan Manila, the Philippines, Bull. Seismol. Soc. Am. 90, no. 1, 73–85, doi: 10.1785/0119990002.
Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Available at: www.phivolcs.dost.gov.ph
Rangin, C., Le Pichon, X., Mazzotti, S., Pubellier, M., Chamot-Rooke, N., Aurelio, M., Walpersdorf, A. and Quebral, C. (1999). Plate convergences measured by GPS across the Sundaland/Philippine Sea Plate deformed boundary: the Philippines and eastern Indonesia. Geophysical Journal International, 139, 296-316.
Rimando, J.M., Aurelio, M.A., Dianala, J.D.B., Taguibao,K.J.L., Agustin,K.M.C., Berador, A.E.G., Vasquez, A.A. (2019). Coseismic ground rupture of the October 15, 2013 Magnitude (MW) 7.2 Bohol Earthquake, Bohol Island, Central Philippines. Tectonics, https://doi.org/10.1029/2019TC005503
Roeder, D. (1977). Philippine arc system – Collision or flipped subduction zones? Geology, 5, 203-206.
Sasaki, Y. and Okahara, M. (1991). Damage to civil engineering facilities from the July 1990 Philippine earthquake. NIST Special Publication, 820, 111-142.
Seno, T. (1977). The instantaneous rotation vector of the Philippine Sea Plate in relation to the Eurasian Plate. Tectonophysics, 42, 209-226.
United States Geological Survey – National Earthquake Information Center (USGS-NEIC). Available at: www.earthquake.usgs.gov
Velasco, A.A., Ammo, C.J., Lay, T. and Hagerty, M. (1996). Rupture process of the 1990 Luzon, Philippines (MW=7.7), earthquake. Jour. Geophys. Res. B: Solid Earth, 101(B10), 22419-22434.
Wessel, P. and Smith, W.H.F., (1995). New version of the Generic Mapping Tools released. EOS Trans. Am. Geophys. Union 76, 329.
Winter, K., Lombardi, D. Diaz-Moreno A., and Bainbridge, R. (2021). Monitoring Icequakes in East Antarctica with the Raspberry Shake. Seismological Research Letters. Doi: https://doi.org/10.1785/0220200483
Zhao, L., Qu, C., Shan, X., Zhao, D., Gong, W. and Li, Y. (2021). Coseismic deformation and multi-sli oseismic deformation and multi-fault slip model of the 2019 Mindanao earthquake sequence derived from Sentinel-1 and ALOS-2 data. Tectonophysics, 799, 228707 https://doi.org/10.1016/j.tecto.2020.228707